Operational na ngayong araw, Marso 4, 2024, ang kauna-unahang physical rehabilitation facility ng Bureau of Jail Management and Penology sa Zamboanga City Jail Male Dormitory.
Iniulat ni City Jail Warden Jail Superintendent Xavier Solda na maaari nang gamitin ng mga PDL ang physiotherapy services sa jail unit.
Aniya ,hindi na kailangan ng mga PDL na dumaan sa korte at pumila sa government hospital ng kung ilang linggo para lang maka-avail ng physical therapy services.
Ang physical rehabilitation process sa PDL patients kasama na ang kanilang qualified dependents ay maaari nang gawin sa loob ng kulungan.
Binanggit ni Solda na nasa pasilidad ang basic medical equipment para sa physical rehabilitation at mine-maintain ng licensed physical therapist at isang nurse.
Isa rin ito sa mga pangmatagalang solusyon sa limitadong manpower complement ng jail unit.
Sabi pa ni Solda, ang paglikha ng physiotherapy services sa unit ay hango sa mga pag-uusap sa katatapos na International Corrections and Prisons Association Conference na suportado ng United Nations Office on Drugs and Crime. | ulat ni Rey Ferrer