Nagsimula na ang kauna-unahang regional roadshow ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ngayong 2024.
Pinangunahan ni DICT Sec. Ivan John Uy at ilan pang opisyal ng ahensya ang pagbubukas ng dalawang araw na roadshow sa National University Clark sa Pampanga.
Tinawag itong Bayang Digital ang Bagong Pilipinas: DICT Regional Roadshow 2024 kung saan tampok ang ilang flagship programs ng ahensya tungo sa pagtaguyod ng isang Bayang Digital.
Sa kanyang talumpati, ipinunto ni DICT Sec. Ivan John Uy ang hangad ng ahensya na mailapit sa kanilang mga stakeholder ang mga programa ng DICT.
Nakaangkla rin aniya ito sa prayoridad ng Marcos administration na maisulong ang digitalisasyon tungo sa Bagong Pilipinas.
Tinukoy rin ng kalihim ang ilang tampok ng roadshow kabilang ang pagpapakilala sa EGov PH app kung saan madali nang maa-access ng user ang mga mga serbisyo ng gobyerno.
Sa unang araw ng roadshow, magkakaroon ng mga breakout sessions kung saan iba’t ibang lectures ang ibibigay ng DICT gaya ng cybersecurity para sa mga kawani ng gobyerno, digital parenting para sa mga magulang, teen guide sa data privacy act para sa mga estudyante at mga guro at maging ang usapin ng National Broadband Plan 2.0
Ayon kay DICT Sec. Uy, sa pamamagitan ng roadshow, umaasa itong mas maraming Pilipino at ahensya ng pamahalaan ang makiisa tungo sa isang Bayang Digital kung saan ang mga Pilipino ay konektado at ang gobyerno ay epektibo.
Bukod sa Pampanga, ilan pa sa target na ikutan ng Regional Roadshow sa mg susunod na buwan ang Region 1, CALABARZON at MIMAROPA. | ulat ni Merry Ann Bastasa