Muling nagpaalala ang Manila Electric Company (MERALCO) sa publiko hinggil sa Kuryente Tipid Tips ngayong nalalapit na ang panahon ng tag-init.
Ito’y ayon sa MERALCO, kasunod ng pahayag ng PAGASA hinggil sa patuloy na paghina ng hanging amihan o northeast monsoon kaya’t asahan na ang maalinsangan at mainit na temperatura sa mga susunod na araw.
Sinabi pa ng power distributor na kadalasang tumataas ng 10 hanggang 40 porsyento ang konsumo sa kuryente ng isang tahanan tuwing tag-init kaya kailangang bantayang maigi ang konsumo sa kuryente.
Kasama sa sa mga pwedeng gawin ng mga kumukonsumo ng kuryente ang pagtanggal sa saksakan ng appliances kapag hindi ginagamit, paggamit ng LED bulb sa mga pailaw.
Makabubuti rin kung maramihang mamalantsa ng mga damit sa halip na paisa-isa at regular na paglinis ng air conditioner filters gayundin ng elisi ng mga electric fan
Nabatid na tumaas ang presyo ng kuryente ngayong Marso ng ₱0.2 centavos per kilowatt hour at posibleng tumaas pa umano ito sa pagpasok ng tag-init. | ulat ni Jaymark Dagala