Nilinaw ni Agriculture Asec. Arnel de Mesa na hindi nakakaalarma ang 56.1% na ambag ng food inflation, sa kabuuang 3.4% na inflation rate, na naitala para sa buwan ng Pebrero.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ng opisyal na kung titignan kasi ang datos, mababa ang base data ng bigas sa inflation, noong nakaraang taon, at magbabago pa ito pagpasok ng Agosto at Setyembre.
Katunayan, ayon sa opisyal, ngayon pa lamang ay nakakakita na ng pagbaba sa presyo ng bigas sa bansa.
Naglalaro na lamang aniya sa Php49 hanggang Php50 per kilo ang well milled at regular milled rice, kumpara sa Php52 hanggang Php53 pesos noong Enero at Pebrero.
Ayon kay Asec de Mesa, inaasahan na bababa pa ang presyo ng bigas, lalo’t magsisimula na ngayong buwan ang anihan ang Marso.
“Inaasahan din natin na lalo pa itong bababa dahil ngayong March, nagsimula na iyong harvest natin ng palay at magpi-peak ito March/April at ini-expect natin na bababa pa lalo iyong farmgate price ng palay which in turn ay magda-drive ng pagbaba ng presyo ng bigas sa ating mga pamilihan sa mga susunod na araw at linggo.” —Asec de Mesa.| ulat ni Racquel Bayan