Isusulong ni Senate Committee on Agriculture Chairperson Senador Cynthia Villar na imbestigahan sa Senado ang isyu tungkol sa pagkakasangkot ng ilang National Food Authority (NFA) officials sa iligal na pagbebenta ng bigas sa ilang trader sa mababang halaga nang hindi dumadaan sa bidding.
Ayon kay Villar, maghahain siya ng resolusyon para makapagkasa ng Senate Inquiry tungkol sa isyu.
Sinabi ng senador na matagal nang nangyayari ang pagbebenta ng NFA rice sa mga piling traders at ito ang dahilan kaya niya isinulong noon ang Rice Tarrification Law.
Binigyang-diin pa ni Villar na ang alokasyong ng ₱9-billion na budget sa NFA ay para matulungan ang mga magsasaka at ang mga mamimili at hindi ito para kumita, lalo ang mga trader.
Sinang-ayunan rin ng mambabatas ang utos ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mag-file ng leave ang mga NFA official na sangkot sa kontrobersiya para aniya hindi mapakialaman ng mga ito ang imbestigasyon sa isyu. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion