Pinag-iingat ngayon ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko laban sa mga kumakalat na impormasyon sa social media partikular ang umano’y cash assistance grant na maaaring ma-claim ng mga nagrehistro sa Philippine Identification System (PhilSys), o mayroong PhilID o ePhilID.
Sa isang pahayag, nilinaw ng PSA na walang katotohanan sa impormasyong ito at ito ay isang fake news.
Paliwanag ng ahensya, ang pagrerehistro sa PhilSys o pagkakaroon ng National ID ay hindi nangangahulugan na awtomatiko nang mapapabilang ang isang indibiwal sa anumang cash benefits mula sa gobyerno dahil ito ay may sinusunod na regulasyon.
Kasunod nito, pinaalalahanan ng PSA ang publiko na maging mapanuri sa mga nababasang impormasyon tungkol sa PhilSys online at iwasan ding mag-click ng anumang kaduda dudang links at magbigay ng personal information.
Hinikayat din nito ang publiko na magsumbong sa official channels of PhilSys: (1) PhilSys hotline 1388; (2) mag-email sa [email protected]; at (3) o magtungo sa facebook page ng PSA Philippine Identification System. | ulat ni Merry Ann Bastasa