Kumpiyansa si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na mabilis lang lulusot sa Commission on Appointments ang kumpirmasyon ni Sec. Ralph Recto bilang kalihim ng Finance department.
Ayon sa CA Assistant Minority Leader, inaasahan nila na bibigyang kurtesiya ng komite ang mabilis na kumpirmasyon ni Recto na dati nang nagsilbi sa Senado at sa Kamara.
Sa darating na Miyerkules, March 13 ay sasalang ang appointment confirmation ni Recto sa CA committee on Finance na pinamumunuan ni Sen. Ramon Revilla Jr.
“It will likely be a breeze for Secretary Recto. We expect him to be accorded the courtesy of a swift confirmation, considering that he used to be a member of both the House of Representatives and the Senate,” sabi ni Pimentel.
Bago maitalaga bilang kalihim ng Kagawaran ng Pananalapi ay nagsilbi itong kinatawan ng ika-anim na distrito ng Batangas sa loob ng siyam na taon at bilang senador sa loob ng 18 taon.
Dapat ay magsisilbi muli ito ng tatlong termino bilang kongresista mula 2022 hanggang 2025 ngunit naputol na dahil sa pagkakatalaga bilang Finance chief nitong January 12. | ulat ni Kathleen Forbes