Dalawang paslit ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa Sunday Street, Star Interior, Barangay Poblacion sa Mandaluyong City dakong ala-1:52 kagabi.
Batay sa ulat ng Philippine National Police – Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO) at Bureau of Fire Protection (BFP), isang 15-taong gulang na babaeng Grade 10 student at 6-na taong gulang na lalaking Kinder student ang nasawi sa sunog.
Sa panayam naman sa ina ng mga biktima, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay kung saan natutulog ang kaniyang dalawang anak.
Dahil pawang gawa sa light materials, mabilis kumalat ang apoy kaya’t itinaas ito sa ikalawang alarma kaya’t hindi na niya nagawa pang masagip ang kaniyang mga supling.
Bumaba kasi ang ina ng mga biktima sa bahay para kunin ang kanilang ihian nang sumiklab ang naturang sunog.
Nasa 50 kabahayan ang naabo habang aabot naman sa 150 pamilya ang nawalan ng tahanan at ngayo’y nanunuluyan sa community center ng Brgy. Poblacion.
Ganap na naapula ang sunog kaninang ala-1:52 ng madaling araw at inaalam pa ang sanhi gayundin ang halaga ng pinsalang iniwan nito. | ulat ni Jaymark Dagala