Nagkasundo ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na isama ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act sa 20 panukalang batas na target na maipasa sa Hunyo ngayong taon.
Ito ang naging desisyon ng LEDAC sa isinagawang pulong konseho ngayong araw.
Ang ARAL Program Bill ay layong bumuo ng national learning intervention program na tutulong sa mga mag-aaral na makabawi sa learning losses noong pandemya.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, kinakailangan ang mga pagbabago sa sektor ng edukasyon upang matugunan ang matagal nang problema sa mababang productivity at job mismatch sa mga manggagawa.
Dagdag pa ni Balisacan, kailangan ng mga mag-aaral ang suporta ng pamahalaan upang sila ay makasabay sa makabagong mga kasanayan na makatutulong din sa pag-abot ng socioeconomic transformation sa bansa.
Matatandaang batay sa Philippine Development Report 2023, lumalabas na ang pagpapabuti sa kalidad ng edukasyon para matugunan ang learning poverty sa bansa ang nangungunang prayoridad dahil na rin sa mababang resulta sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2022. | ulat ni Diane Lear