Naniniwala ang Office of the Civil Defense (OCD) na makatutulong ang pagle-level up ng mga pagsasanay bilang paghahanda sa sandaling tumama ang pinangangambahang “The Big One.”
Ito ang binigyang-diin ni OCD-NDRRMC Chairperson at Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. kasabay ng isinagawang 1st Quarter Simultaneous Nationwide Earthquake Drill sa Kampo Aguinaldo kahapon.
Ginawa ni Teodoro ang pahayag makaraang sabihin din nito na magdaragdag sila ng mga bagong scenario sa mga isasagawang pagsasanay sa susunod na earthquake drill.
Layunin nito na bukod sa maging pamilyar ang publiko sa mga dapat gawin tuwing tatama ang lindol sa bansa, ay mapataas pa ang kamalayan nito hinggil sa kung ano pa ang posibleng mangyari.
Batay kasi sa pagtaya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kung hindi magiging handa ang mga residente sa Greater Manila Area, posibleng pumalo sa 48 ang masawi sa pagtama ng magnitude 7.2 na lindol.
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, maliban sa mataas na bilang ng masasawi, posibeng pumalo rin sa 113,000 ang maging bilang ng mga seryosong masaktan dito.
Sa pagtaya naman ni OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, tinatayang nasa tatlo hanggang limang milyon ang posibleng ilikas sa sandaling tumama na ang lindol.
Huling gumalaw ang West Valley Fault noong 1658 at ayon sa mga pag-aaral gumagalaw ito tuwing 400 taon kaya’t nasa ika-366 na taon na ito ngayon. | ulat ni Jaymark Dagala