Ipinatutupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 24-hour monitoring sa lahat ng pangunahing terminal sa buong bansa.
Ito ay para mabantayan ang ligtas na pag- alis at pag-uwi ng mga pasahero sa kanilang mga probinsya para sa Semana Santa.
Inobliga ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang mga opisyal nito na magbigay ng report tuwing anim na oras sa pagmo-monitor sa mga terminal .
Sinabi din ni Guadiz na may 1,050 special permit ang inisyu ng LTFRB sa mga bus para magbigay serbisyo sa mga pasaherong pupunta sa mga probinsya. May bisa ang special permit hanggang sa ikalawang linggo ng Abril.
Samantala, nag-deploy na rin ng City Buses ang LTFRB para umalalay sa pansamantalang pagsara ng Philippine National Railways (PNR).
May dalawang ruta ng PNR ang natukoy ng LTFRB at nilagyan ito ng mga bus.
Bukod dito, ang modernized jeepneys na ikinalat din sa mga ruta ng PNR para mapagsilbihan ang mga pasahero na papunta ng Tutuban.| ulat ni Rey Ferrer