Target ng Land Transportation Office na makapagsimula nang makapamahagi ng plastic-printed driver’s license sa susunod na linggo, pagkatapos ng Semana Santa.
Inatasan na ni LTO Chief Vigor Mendoza II ang mga opisyal nito hanggang regional level na ihanda ang listahan ng schedule at tapusin bago ang Huwebes Santo.
Base sa inilabas na memorandum ng LTO, ang mga driver’s license na may expiration dates mula Abril 1 hanggang Agosto 31, 2023 at Abril 1 hanggang 30, 2024, ay mare-renew mula Abril 15 hanggang Abril 30, 2024.
Ang mga driver’s license na may expiration dates mula Setyembre 1 hanggang Disyembre 31, 2023 at Mayo 1 hanggang 31, 2024, ay nakatakda namang ma-renew mula Mayo 1 hanggang 31, 2024.
Samantala, ang mga driver’s license na may expiration dates mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2024, at Hunyo 1 hanggang 30, 2024, ay mare-renew mula Hunyo 1 hanggang 30, 2024.
Hindi bababa sa isang milyong piraso ng plastic card ang naihatid na sa LTO Central Office kahapon.
Ito’y matapos magdesisyon ang Court of Appeals na alisin ang Writ of Preliminary Injunction na inisyu ng Quezon City RTC noong nakaraang taon.
Ang injunction order, ang nagpatigil sa paghahatid ng 3.2 million natitirang plastic cards na nagresulta ng pagkaroon ng backlog ng plastic-printed driver’s license na aabot sa 4.1 milyon sa pagtatapos ng buwang ito.| ulat ni Rey Ferrer