Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakatakda itong mag-deploy ng nasa 2,274 na mga tauhan nito sa iba’t ibang kalsada, mga terminal, at iba pang lugar sa Metro Manila.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at maayos na biyahe ng publiko sa paggunita ng Mahal na Araw.
Sa isinagawang inter-agency meeting sa PNP Headquarters sa Camp Crame, Quezon City, sinabi ni Artes na full deployment ang gagawin ng MMDA.
Nakahanda na aniya ang ahensya sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminal na uuwi at magbabakasyon sa mga probinsya sa Holy Week.
Magpapatupad din “no day-off and no absent policy” sa kanilang mga traffic at iba pang field personnel lalo pa’t inaasahan ang Holy Week exodus.
Mananatili rin naka-monitor ang MMDA Command Center para sa real-time updates sa mga bus terminal sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Artes, paiigtingin din ng ahensya ang kanilang hakbang sa paghuli sa mga kolorum na sasakyan.
Kaugnay nito, nagpaalala si Artes sa mga pasahero na mag-ingat sa mga kolorum na sasakyan na mananamantala at maniningil ng sobra. | ulat ni Diane Lear