Patuloy na nakaalerto ang Philippine Coast Guard (PCG) ang mga distrito, istasyon, at sub-station nito ngayong panahon ng Semana Santa.
Ito ay upang umalalay sa dagsa ng mga pasahero at matiyak ang kaayusan at seguridad sa mga pantalan sa buong bansa.
Ayon sa PCG Command Center, pumalo na sa mahigit 60,000 na outbound na mga pasahero at mahigit 50,000 na inbound na mga pasahero ang naitala sa mga pantalan sa buong bansa simula kaninang alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ngayong Miyerkules Santo.
Nagdeploy naman ang PCG ng mahigit 3,000 tauhan sa 15 distrito nito upang tumulong sa pag-inspeksyon ng mga barko at motorbanca.
Para sa mga katanungan at iba pang concern kaugnay sa sea travel protocol ngayong Mahal na Araw maaaring makipag-ugnayan sa Facebook page ng PCG o di kaya ay tumawag sa Coast Guard Public Affairs Service sa numero na 0927 560 7729.
Samantala, as of 5:16 PM, balik na sa normal na operasyon ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na ibaba sa Yellow Lightning Alert ng MIAA Ground Operations and Safety Division ang status sa paliparan. | ulat ni Diane Lear