Sapat na dapat ang naunang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pangangailangan ng bansa ng economic charter change para makumbinsi ang mga senador na suportahan ang Resolution of Both Houses No. 6.
Ito ang inihayag ng mambabatas mula sa mayorya at minorya sa Kamara bilang reaksyon sa pahayag ni Senator Sonny Angara, na makatutulong kung makumbinsi ni Pangulong Marcos Jr. ang mga senador na hindi pabor sa economic chacha.
Ayon kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, mismong si Pangulong Marcos na ang naghayag na kailangan ng Pilipinas ang economic chacha sa pagdiriwang ng Constitution Day.
Sabi pa ni Gutierrez, hindi dapat ibatay ng mga senador ang pagsuporta sa kanilang RBH 6 sa kung sinong personalidad ang kakausap sa kanila, bagkus ay sa mismong katotohanan na ipiniprisinta ng mga datos at resource person na inimbitahan sa kanilang mga pagdinig.
Punto naman ni Deputy Speaker David ‘Jayjay’ Suarez, marami na ring ginawang pagdinig ang Senado sa kanilang bersyon ng economic chacha kaya may sapat na silang impormasyon sa kung bakit kailangan buksan ang ekonomiya ng bansa sa foreign investors.
Sa kaniyang personal na opinyon, sobra na para hingin pa sa punong ehekutibo na kumbinsihin ang mga senador na hindi pabor sa amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Gayunman, ipapaubaya na aniya niya sa Senado kung ito nga ang pinakamainam na paraan para lang mapagtibay ang RBH6. | ulat ni Kathleen Forbes