Mariing kinondena ng lungsod ng Makati at Taguig ang bawat isa sa mga inilabas nitong pahayag nitong nagdaang linggo matapos ang tensyong naganap sa Makati Park and Garden nitong Biyernes.
Sa pahayag ng Makati City, sinisisi nito ang Taguig na umano’y inaagaw ang legal na pag-aari ng kanilang lungsod na pinondohan ng buwis ng mga mamamayan ng Makati.
Inuudyok din ng Makati ang mga counterpart nito sa Taguig na bigyan ng prayoridad ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga mamamayan matapos ang mga reklamo umano ng mga residente ng EMBO hinggil sa hindi sapat na ibinibigay umano nitong serbisyong pangkalusugan at mga benepisyo.
Dagdag pa ng lungsod ng Makati, unahin daw dapat muna ng Taguig ang pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng mga mamamayan at pagpapabuti ng mga serbisyo nito kaysa sa inuuna ang sinasabing pangangamkam ng lupa.
Sagot naman ng Taguig, patuloy ang kanilang paglalaan ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng EMBO sa kabila ng mga umano’y walang tigil na pagsabotahe. Kabilang na rito ang pagtanggal umano ng Makati ng mga health centers at ambulansya na mula naman sa DOH.
Naungkat din ng Taguig ang ilegal umanong pangongolekta ng Makati ng buwis sa mga lupain at negosyo sa EMBO sa nakalipas na 30 taon, mga pondo na dapat ay sa Taguig daw napunta.
Ayon pa sa Taguig, sinagot na ng desisyon ng Korte Suprema ang nasabing usapin sa lupa na ang 10 EMBO Barangays ay nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.
Ang nasabing Makati Park and Garden ay matatagpuan sa barangay na sakop ng nasabing desisyon.
Kagabi, isang prayer vigil ang isinagawa ng mga supporter ng Makati City sa nasabing parke.
May ilang nagsindi ng kandila at nag-alay ng kanilang panalangin habang ang iba ay may mga dalang streamer na nananagawan ng plebesito para maibalik ang mga EMBO barangay sa lungsod Makati.
Sa kabila nito nanatili namang payapa ang isinagawang vigil kagabi. | ulat ni EJ Lazaro