Sinimulan na ng Malabon City Government ang pamamahagi ng Malabon Ahon school kits sa may 6,577 kindergarten pupils mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ng Malabon.
Pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pamamahagi sa walong paaralan simula kahapon kabilang ang Malabon Elementary School, Dampalit Integrated School, Dampalit Elementary School 1, Santulan Elementary School.
Ang mga mag-aaral naman mula sa Panghulo Elementary School, Panghulo Elementary School 1, Maysilo Elementary Schools at Acacia Elementary Schools ay binigyan din ng school kits na may kasamang backpack, food container, tumblers, pares ng medyas at payong.
May kabuuang 1,733 mag aaral ang nakatanggap na ng gamit pang-eskwela mula sa city government mula kahapon at ngayong araw.
Ang pamamahagi ng school kits ay isasagawa sa 28 public schools sa lungsod hanggang Marso 12.
Kaugnay nito, hinimok ni Mayor Jeannie ang mga estudyanteng mag-aral nang mabuti.
Dagdag pa ng alkalde na prayoridad ng lungsod ang edukasyon ng kabataan kaya’t sinisikap na mabigyan sila ng kanilang mga pangangailangan. | ulat ni Rey Ferrer