Umaasa si Senator Bong Go na mas maraming kapus-palad na Pilipino ang makikinabang sa mga serbisyong iniaalok ng mga Super Health Center.
Sa pagbisita ng senador sa Brgy. San Roque sa Quezon City para mamahagi ng tulong sa mga pamilyang nasunugan, ipinunto nito na malawak na ang serbisyong iniaalok ng mga super health center na maituturing na isang medium type polyclinic.
Kasama na rito ang libreng konsultasyon, panganganak, mga laborotaryo gaya ng X-ray at ultrasound, at early disease detection.
Ayon sa senador, malaking bagay ang mga super health center para sa mga mahihirap kabilang dito ang mga apektado ng sakuna gaya ng mga nasusunugan upang hindi sila mapag-iiwanan sa mga serbisyong pangkalusugan.
Makatutulong rin aniya ito para hindi na mapuno ang mga ospital.
Pinangunahan ngayong araw ni Sen. Bong Go ang paghahatid ng ayuda sa naturang barangay kung saan umabot sa halos 200 pamilya ang naapektuhan ng sunog. | ulat ni Merry Ann Bastasa