Bubuksan na tuwing weekends simula ngayong araw, ika-2 ng Marso ang bagong Manila Clock Tower Museum na matatagpuan sa Manila City Hall para bigyang-daan ang mas maraming bisita na masilayan ang kasaysayan ng Maynila at iba pang exhibit na makikita sa museo.
Sa isang pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna, masayang ibinahagi nito na maaari nang bisitahin ang nasabing museo tuwing Sabado at Linggo maliban pa sa mga araw ng Martes hanggang Biyernes mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Makikita sa museo ang makulay na kasaysayan ng Maynila kabilang na ang iba’t ibang modern art exibits.
May entrance fee na ₱100 ang mga nais masilayan ang Manila Clock Tower Museum, pwede ang walk-in, at may 50% discount ang mga bata, 12-taong gulang pababa.
Libre ang mga persons with disabilities (PWD), senior citizens, at mga estudyante mula sa mga paaralan sa Maynila na nagsasagawa ng opisyal na field trip.
Matatandaang noong Oktubre 2022 pormal na pinasinayaan ang pagbubukas ng Manila Clock Tower Museum matapos ang rehabilitation na isinagawa sa clock tower.
Ilang pagkilala na rin ang natanggap ng nasabing museo kabilang na ang prestihiyosong Golden Leaf Presidential Award ng Philippine Leaf Awards Tertulia na tinanggap lamang nito ngayong taon. | ulat ni EJ Lazaro