Sasamantalahin ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang panahon ng El Niño gayundin ang papasok na tag-init para paigtingin ang ginagawang dredging activities nito.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ay upang mapigilan ang mga pagbaha sa lungsod sa sandali namang pumasok na ang panahon ng tag-ulan.
Sinabi ni Teodoro, buhat nang simulan ang paghuhukay sa ilog Marikina, malaki na ang naging development dito.
Mula aniya sa dating 60 to 70 meters na lapad ay naaabot na ng ilog ang target width na 100 meters habang mula sa dating 16 hanggang 7 meters na lalim ay pumalo na ito ngayon sa 19 meters.
Malaking bagay ito ani Teodoro lalo’t maraming lugar sa kanilang lugar ang tinatawag na “catch basin” o tagasalo ng tubig baha sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Napatunayan na ito nang manalanta ang mga bagyong Ondoy at Ulysses sa bansa na nagdulot ng pagkasira ng maraming ari-arian gayundin ang pagbubuwis ng maraming buhay. | ulat ni Jaymark Dagala