Nagpulong ang Maritime Industry Tripartite Council (MITC) kasama ang Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang stakeholders upang talakayin ang sitwasyon sa Red Sea at Gulf of Aden.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac na kabilang sa napag-usapan ang pagpapaigting ng proteksyon sa mga seafarer na sakay ng mga barkong dumadaan sa Red Sea at Gulf of Aden.
Ito ay matapos ang dalawang insidenteng nangyari sa nabanggit na mga sea lane na kinasasangkutan ng Houthi rebels noong Nobyembre at Marso.
Ani Cacdac, kaugnay nito, inirekomenda ng MITC sa International Bargaining Forum (IBF) na ideklarang war-like zone ang Southern Red Sea at Gulf of Aden at hindi na lamang high-risk areas.
Ito aniya ay upang mapaigting ang alerto at babala para sa mga seafarer.
Ibig sabihin nito, hinihimok ng ng MITC ang mga ship owner na ibahin ang kanilang ruta at huwag ng dumaan sa Red Sea at Gulf of Aden. Kinakailangan din aniya na irehistro ng mga maritime principal sa electronic overseas monitoring systems ng DMW kung dadaan ang kanilang mga barko sa nasabing ruta, at kung hindi at sila ay papatawan ng parusa ng ahensya.
Binigyang diin ni Cacdac, na mas mahalaga ang buhay ng mga seafarer at pamilya nito kaysa sa kanilang mga dalang cargo.
Inihayag din ng kalihim, na kinikilala ng MITC ang right to refuse sailing ng mga seafarer sakaling malaman na ang kanilang mga barko ay dadadan sa Red Sea at Gulf of Aden. | ulat ni Diane Lear