Pasado na sa House Committee on Welfare of Children ang pinag-isang panukalang batas na layong patawan ng parusa ang magulang na hindi magbibigay ng sustento sa kaniyang anak.
Ayon sa isa sa pangunahing may akda nito na si ACT CIS Party-list Representative Erwin Tulfo, sa inaprubahang bersyon ng komite, hanggang anim na taong pagkakulong ang naghihintay sa mga pabayang “non-custodial parent” na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang anak.
“This bill will help our sole parents, numbering around 15 million of our population, will be their tool to be able to support their children. Hindi na po kailangan lumuhod at magmakaawa ng mga ina sa mga ex nila at ama ng mga bata para sa sustento,” ani Tulfo.
Ayon naman kay Representative Edvic Yap, layon ng batas na tiyakin na tinutupad ng mga ama ang kanilang mga pananagutang pinansiyal sa kanilang mga anak.
Hamon kasi aniya sa pagkuha ng child support na mapatunayan ang paternity o pagiging ama nito sa bata.
Nilinaw naman ng Department of Justice na maaaring isama sa amyenda ng panukala ang probisyon na magpapahintulot sa paghahain ng hiwalay pang kaso salig sa Violence Against Women and Children (VAWC) law upang maiwasan ang paglabag sa “forum shopping.”
Maaari rin kasi isampa bilang paglabag sa VAWC ang pagbawi sa child support bilang economic abuse. | ulat ni Kathleen Jean Forbes