Kailangan na mabigyan ng mas maraming flexible work arrangements ang mga kababaihan lalo na ang mga nangangalaga sa kani-kanilang bahay o yung mga stay at home.
Ito ang sinabi ni House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles sa kaniyang pakikiisa sa International Women’s Day.
Aniya, ang pagbibigay ng flexible work arrangements ay makatutulong sa mga kababaihan na makapagtrabaho at maging produktibo pa rin habang inaasikaso ang mga gawain sa bahay.
“Unpaid domestic and care work hinders women from fulfilling their potential and engaging in paid labor. Especially in a climate where it is increasingly becoming difficult for sole breadwinners to provide for their families, we must exert more effort so that women can have opportunities to become productive and be able to contribute to the family’s financial capability,” sabi ni Nograles.
Nanawagan din ang mambabatas para sa social protection programs para sa mga kababaihan upang makapagtrabaho pa rin sila nang hindi iniisip na mapapabayaan ang kanilang mga pamilya.
Isa sa inihalimbawa niya ay ang pagkakaroon ng libreng day care center para sa mga nanay o kaya’y pagbibigay bayad sa mga kababaihan na nagtatrabaho rin sa bukid, ngunit hindi pormal na kinikilala bilang trabaho.
Panahon na rin aniya na baguhin ang pagtingin na ang ‘domestic work’ o gawaing bahay ay trabaho lamang ng mga kababaihan.
“It is high time that we discard old notions of domestic work being the sole responsibility of women. Natutuwa naman tayo na mukhang marami sa mga newer generation families ang nakikilala ito, kaya may conscious effort na rin na hatiin ang mga responsibilidad sa bahay,” dagdag pa niya.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) hanggang nitong December 2023, na sa 21.9 million o 56.27 ng kabuuang labor force ang binubuo ng mga kababaihan—mas mababa sa 30.2 million o 76.97 percent ng mga kalalakihan. | ulat ni Kathleen Forbes