Binigyang-diin ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang kahalagahan na maimbestigahan at matukoy ang mga nasa likod ng pagpapapasok ng nasa 36 na Chinese nationals sa Philippine Coast Guard Auxiliary Corps.
Ayon sa mambabatas hindi niya mawari kung bakit magre-recruit ang PCG ng mga Chinese nationals gayong matagal nang may territorial dispute ang Pilipinas sa China sa West Philippine Sea.
“Noong panahon ng Hapon sa Pilipinas, meron tayong mga Makapili. Ngayon, meron na rin umano tayong mga Makabagong Makapili na nagsisilbi sa interes ng China sa ating bansa. Panahon na para imbestigahan at kilalanin ang umano’y mga walang kunsensya at taksil sa bayan na mga ito,” giit ni Barbers.
Giit pa ni Barbers na dapat matukoy kung ano ang naging papel o trabaho ng naturang 36 na Chinese nationals habang sila ay nasa PCG Auxiliary Corps.
Matatandaan na sa isang pagdinig sa Kamara ay kinumpirma ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagiging bahagi ng naturang Chinese nationals ng Auxiliary Force ngunit ngayon ay delisted na matapos matukoy na walang kaukulang national security clearance.
Para sa Mindanao solon, dapat mapanagot sa batas ang mga gumawa ng kawalang-hiyaang ito sa PCG.
“The Chinese nationals are with the PCGA for more or less three years. Did the PCG conduct due diligence on these nationals. Obviously, there’s none. As Admiral Gavan has admitted, some 36 were axed because they failed to secure national security clearance. We also do not know if those Chinese nationals are officials from the China People’s Liberation Army, businessmen, or tourists out to justify their longer stay here in our country,” diin ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes