Pansamantalang isasara ng Maynilad Water Services Inc. ang Poblacion Water Treatment plant nito sa West Zone area.
Ayon sa Maynilad, isasagawa ang huling serye ng mga aktibidad na kailangan para tuluyang maabot ng planta ang kabuuang kapasidad na makapag-produce ng 150 million liters per day (MLD).
Ang bagong planta na ito ay kasalukuyang nagpo-produce pa ng initial na 50 MLD, na nakadadagdag sa water supply para sa Maynilad customers sa south.
Dahil sa nasabing aktibidad, magkakaroon ng paghina ng pressure o kawalan ng tubig ang ilang bahagi ng Muntinlupa, Pasay, Las Piñas, Parañaque at Bacoor sa loob ng ilang oras sa pagitan ng 12:01 AM hanggang 11:59 PM ng Marso 21, 2024.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga apektadong customer na mag-ipon ng sapat na tubig para sa itatagal ng water supply interruption.
Para maibsan ang epekto ng plant shutdown, mayroong mobile water tankers ang Maynilad na naka-antabay at handang magdala ng malinis na tubig kung kinakailangan.
Dagdag pa rito ang mga stationary water tank sa ilang lugar na maaaring pagkuhanan ng malinis na tubig. | ulat ni Rey Ferrer