Tiniyak ng West Zone concessionaire Maynilad Water Services, Inc. na lalo pang lalakas ang pressure ng tubig sa Sampaloc, Manila.
Ayon kay Maynilad President at CEO Ramoncito Fernandez, natapos na ang ₱208-million pipe replacement project sa bahagi ng Maynila.
Kasama sa proyekto ang pagpapalit ng humigit-kumulang isang kilometrong luma at may tagas nang primary lines sa kahabaan ng Maria Clara at Quiricada Streets na may iba’t ibang laki ng diameter mula 600mm hanggang 750mm.
Dahil tapos na ang proyekto, tumaas ang water pressure sa anim na barangay ng Sampaloc mula 7 psi o pounds per square inch hanggang 16 psi.
Aabot sa 40,200 residente ang nakikinabang sa serbisyo ng Maynilad.
Mababawi na rin ng water concessionaire ang humigit-kumulang 3 million liters per day (mld) ng potable water na nawala sa pagtagas ng tubo.
Ang 3 mld supply na ito ay sapat na upang matugunan ang mga pangangailangan ng tubig ng mahigit 21,000 customer. | ulat ni Rey Ferrer