Hinimok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga kalalakihan na maging bahagi ng solusyon sa pagwawakas ng karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan sa lungsod Quezon.
Dumalo ang alkalde sa mass oathtaking ng libo-libong kalalakihang kasapi ng Men Opposed to Violence Everywhere (MOVE) na ginanap sa Quezon City Police District kanina, bilang bahagi pa rin ng Women’s Month.
Ang bagong samahan ay isang kilusan na komokondena sa lahat ng uri ng karahasan at pang aabuso sa mga kababaihan.
Hinimok sila ng alkalde na manguna sa pagtatapos ng karahasan sa sariling komunidad sa pamamagitan ng mga hakbang:
Una, pagbubukas ng kamalayan ng mga kapwa kalalakihan tungkol sa mga ugat at masamang epekto ng karahasan sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pag educate o edukasyon.
Pangalawa, ang pagtutol at pagkontra sa mga pananaw at pag-uugali ng pagpapalaganap ng karahasan sa kababaihan.
Pangatlo ang pagiging aktibo sa pagsasalita kapag nakakakita ng mga pangyayaring mapang-api sa mga kababaihan. Kasama na dito ang pag aalok ng suporta sa biktima at pagpapanagot sa mga nagkasala.
Hindi na maaaring manahimik na lang at magbubulagbulagan ang mga kalalakihang miyembro ng MOVE.
Sabi pa ni Belmonte, aabot sa 6,109 kaso ng violence against women ang naitala ng iba’t ibang ahensya noong 2023, higit na mataas ang bilang noong 2022.
Katunayan libo-libo pang kaso ang hindi naitala sapagkat nililihim ito ng mga biktima dahil sa nahihiya. | ulat ni Rey Ferrer