Naka-antabay 24-oras ang mga tauhan ng Manila Electric Company (MERALCO) upang umalalay sa 7.8 milyong customer nito ngayong Semana Santa.
Ito ang inihayag ng MERALCO kasabay ng pagtitiyak nito na mayroon silang sapat na suplay ng kuryente sa panahong ito
Ayon sa MERALCO, sarado ang kanilang business centers sa Huwebes Santo, March 28 hanggang Biyernes Santo, March 29, at muling magbabalik ang operasyon nito sa Lunes ng susunod na linggo, April 1.
Gayunman, sinabi ng power distributor na bukas ang kanilang customer service hotline sa anumang sumbong gayundin ay naka-standby ang kanilang linemen para umaksyon sakaling kailanganin ang kanilang serbisyo.
Kasunod niyan, pinayuhan ng MERALCO ang mga konsyumer nito na tiyaking HINDI nakasaksak ang kanilang mga appliance maliban sa refrigerator sakaling aalis ng bahay ng matagal para magbakasyon.
Iwasan din ang octopus connection o ang sala-salabat na koneksyon ng kuryente upang maiwasan naman ang sunog.
Para naman malaman ang pinakahuling konsumo, hinimok ng MERALCO ang mga customer nito na i-download ang kanilang app na makikita sa kanilang app store sa cellphone. | ulat ni Jaymark Dagala