Nakatuon ang atensyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga dapat nitong isakatuparan sa bawat biyahe abroad, at walang itong panahong mamasyal.
Ito ang tugon ng Pangulo sa komento ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na puro pasyal na lamang ang ginagawa ni Pangulong Marcos.
Sa panayam sa Pangulo, matapos ang matagumpay na Working Visit sa Germany, ipinakita nito ang kaniyang schedule sa media.
Sinabi ng Pangulo na wala siyang panahong pumasyal, kahit pa sa mga lugar na dati na niyang pinupuntahan.
Pagbibigay diin ni Pangulong Marcos, sa bawat pagbiyahe niya, nakatutok lamang siya sa pagsasakatuparan ng kaniyang misyon.
Ito ay ang pagpapatatag pa ng kooperasyon ng Pilipinas sa mga kabalikat nitong bansa, at upang patuloy na makapanghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
“Ito ‘yung schedule ko o. San yung pasyal? This is my schedule for today. Where is the paseyo? Wala. Ayan o ‘yung kasama ko rito, kasama nyo kami. We don’t make pasyal. Even in the places that I know where I’ve spent a lot of time with, hindi ko napupuntahan yung mga dati kong pinupuntahan because we’re here to do this.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan