Pinaiigting pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito upang maibsan kung ‘di man tuluyang malabanan ang epekto na dulot ng El Niño phenomenon sa bansa.
Ito ang pagtitiyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) makaraang i-anunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang bahagyang pagbilis ng inflation rate sa 3.4% nitong Pebrero.
Dahil dito, sinabi ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na patuloy nilang babantayan ang presyuhan ng pagkain gayundin ay magpapatupad ng mga kinakailangang panuntunan para siguruhing abot kaya at sapat para sa pamilyang Pilipino.
Dahil sa mga naitalang pagbabago, sinabi ni Balisacan na kailangang manatiling mapagbantay at proactive ang pamahalaan upang matugunan ang inflationary pressures.
Bagaman, bahagya lamang ang naging pagbilis ng inflation o presyuhan ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, binigyang diin ni Balisacan na hindi dapat magpaka-kampante ang pamahalaan dito. | ulat ni Jaymark Dagala