Handa ang mga kaibigang bansa ng Pilipinas na tumulong upang protektahan ang soberanya at karapatan nito sa West Philippine Sea.
Ito ang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang social media account sa gitna ng lumalalang harassment ng China Coast Guard at ng Chinese Maritime Militia sa tropa ng pamahalaan na nagsasagawa lang naman ng resupply mission.
Ayon sa Pangulo, palagian siyang may komunikasyon sa mga kaalyadong bansa sa international community at nag-alok ang mga ito ng proteksyon.
Sinabi ng Pangulo na nagbigay na siya ng requirements sa mga nag-alok ng kaalyadong bansa ng tulong at nagbigay kasiguraduhan aniya ang mga ito na sila’y tutugon sa kakailanganing tulong ng Pilipinas.
Muli ring binigyang diin ng Chief Executive na hindi naghahanap ng away ang Pilipinas lalo na sa mga bansang nagsasabing sila’y kaibigan.
Kasabay nito’y ang pahayag na hindi mananahimik at susuko ang bansa sa harap ng mga pag-atake na nararanasan mula sa agresibo, iligal, mapanghamon at mapanganib na aksyon ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia. | ulat ni Alvin Baltazar