Kung talagang sumusuporta ang mga senador sa administrasyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay dapat ipakita rin ng mga ito ang suporta sa itinutulak na economic charter change.
Ito ang payo ng ilang kongresista sa mga kapwa mambabatas kasunod ng pahayag ni Sen. Cynthia Villar na mayroon nang pitong senador ang hindi boboto pabor sa economic charter change at ilan dito ay kaalyado pa aniya ni PBBM.
Maliban dito, sabi rin umano ni Villar na marami sa mga businessmen ang nagsasabi na imbes na charter change ay palakasin na lang ang ease of doing business sa bansa.
Ayon kay Bataan Rep. Geraldine Roman, kung talagang kaalyado sila ng administrasyon ay pakikinggan nila ang panawagan ng Pangulong Marcos Jr. na amyendahan ang economic provisions ng ating Konstitusyon.
“If they were really allies, they would actually listen to the request of the President, to amend the economic provision of the constitution,” paghahayag ni Roman.
Batay rin ani Roman sa mga naging pahayag ng grupo ng mga negosyante sa pagtalakay ng Kamara ng Resolution of Both Houses No. 7 o economic charter amendment ay pabor naman sila dito.
Sabi ng Bataan solon, baka naman takot lang ang iilang malalaking kompanya na magkaroon ng kompetisyon sa pagpasok ng foreign investment at mawala na ang monopolyo nila.
“Have also been told especially nung mga nakakausap ko din sa grassroots na medyo tinatawag natin makakaliwa, sabi nila to, “Ma’m takot ho kasi yung ibang mga businessman lalo na yung mga bigtime businessman na magkakaroon ng kompetensiya from foreign investors, they would lose their monopolies and I feel, you know if you’re really loyal to the interest of a country, you will welcome competition,” dagdag ng mambabatas.
Hinikayat naman ni La Union Rep. Paolo Ortega ang mga business owners na makibahagi sa talakayan ng Kamara sa RBH 7 upang mas mapakinggan ang kanilang panig.
“Baka naman po hindi yung para kay Juan e hindi naman po para sa karamihan, so dapat makita po natin yun advantages and disadvantages nilalabas especially these are business tycoons, moguls or big business people then they should show weigh on the pros and cons, so I suggest that they attend the hearings or even attend the hearings here in the House of Representatives,” sabi ni Ortega.
Umaasa naman si Zambales Rep. Jefferson Khonghun na mas maging ‘open-minded’ ang mga senador kaugnay sa ipinapanukalang economic charter amendment ay unahin ang interes ng mga Pilipino.
“Dito talaga natin nakikita kung sino talaga nagmamalasakit sa ating bansa. Kung sino talaga ang may kagustuhan ng pagbabago na mapaunlad yung buhay ng ating mamamayan… So sana maging open-minded yung ating mga senador, ‘no. Wag lang sana nilang tignan yung kung ano yung kanilang kalagayan ngayon,” ani Khonghun.
Naniniwala naman si House Deputy Speaker Jayjay Suarez na hamon ito ngayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri na kumalap ng sapat na boto para sa economic Charter Change.
Aniya nasa kamay na ni Zubiri na ipakita ang kanyang “leadership” at makakuha ng sapat na numero para maaprubahan sa Resolution of Both Houses no. 6 na bersyon ng Senado ng economic cha-cha.
“With regards to the number that was stated na boboto against, I think it is now incumbent on the Senate President to show his leadership to muster enough votes so that we can get the RBH 6 approved in the Senate… if indeed their allies then walk the talk, support the President and the President has already given his marching orders when it comes to amendments to the constitution.” diin ni Suarez.| ulat ni Kathleen Forbes