Nagkasundo ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Philippine National Police (PNP) sa Region 5 para sa pagbili ng agricultural products ng mga agrarian reform beneficiary organization sa Bicol region.
Ayon kay DAR Regional Director Reuben Theodore Sindac, ang pakikipagtulungan sa PNP-Bicol ay susuporta sa economic empowerment ng ARBOs alinsunod sa kampanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP).
Isang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan ng DAR at PNP sa Camp BGen Simeon A. Ola sa Legazpi City na layunin na labanan ang gutom at kahirapan sa Bicol Region.
Sa ilalim ng kasunduan, dadalhin ng mga magsasaka ang kanilang agri-products sa PNP Bicol Headquarters, tuwing Biyernes sa loob ng tatlong taon. Tinawag nila itong “Agraryo Merkado sa Kampo”.
Bago pa man nalagdaan ang MOU, nananatiling nakasuporta ang PNP sa pagpapanatili ng kaayusan sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng DAR. | ulat ni Rey Ferrer