Naghayag ng kanilang buong suporta ang Federation of Free Farmers (FFF) sa inisyatiba ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na imbestigahan ang operasyon ng National Food Authority (NFA).
Kasunod ito ng umano’y maanomalyang pagbebenta ng rice buffer stock ng ahensya sa mga private trader.
Sinabi ni FFF Chairperson at dating DA Secretary Leonardo Montemayor, ngayong si Laurel ang pansamantalang itinalagang mamuno sa NFA, dapat aniyang matigil na kaagad ang anumang ilegal na aktibidad at huwag kunsintihin ang mga kuwestiyonableng gawain.
Hinimok ng FFF si Laurel na tingnan ang mga naiulat na anomalya sa mga nakaraang taon, kung saan ang NFA buffer stocks ay ibinebenta matapos ang paggiling.
Pinapalabas umano ito, na mga naluluma nang stocks para lang mabigyang katwiran ang kanilang disposal.
May pagkakataon din na ang mga de-kalidad na stock ng palay na ipinadala sa mga pribadong miller para sa pagproseso subalit pinapalitan ito ng mababang kalidad ng palay. | ulat ni Rey Ferrer