Hinimok ni Finance Secretary Ralph Recto ang mga miyembro ng media na tulungan ang pamahalaan na iparating sa taumbayan ang magandang economic outlook ng Pilipinas at ang pagsisikap ng gobyerno na makamit ang paglago.
Ginawa ni Recto ang pahayag sa harap ng Manila Overseas Press Club kamakailan.
Ayon kay Recto, kabilang sa tungkulin nila na pagkamit ng fiscal stability ay ang gawing madali ang mga termino na pang-ekonomiya upang maunawaan ito ng simpleng Pilipino.
Layon nito aniya na maunawaan nila at ma-appreciate ang pagsisikap ng gobyerno na fiscal sustainability.
Umaasa ang Finance Chief sa mga mamamahayag na tutulungan silang iparating ang istratehiyo at inisyatiba ng gobyerno sa publiko dahil ito ang kanilang expertise.
Diin ng DOF chief, sa gitna ng economic outlook ng mundo dahil sa geopolitical tension ay nanatiling nagliliwanag ang kakayahang paglago ng Pilipinas sa rehiyong Asya.
Napatunayan aniya ito ng iba’t ibang multilateral organizations kung saan nakikitang magiging bahagi ang bansa ng World’s Top 20 Largest Economy sa mid-century. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes