Binigyang diin ng mga mambabatas ang kahalagahan ng pangingibang bansa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasunod ito ng pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na namamasyal lang naman ang Pangulo sa kaniyang mga biyahe sa ibang bansa.
Ayon kay Deputy Majority Leader Janette Garin, bilang isang maliit na bansa ang Pilipinas, mahalaga na magkaroon tayo ng relasyon sa ibang mga bansa dahil kung hindi ay mapag-iiwanan tayo.
Sabi pa ng Iloilo solon, mas maganda para sa mga Pilipino kung ang mga lider ng bansa ay susuportahan ang isa’t isa kaysa tuligsain dahil ang taumbayan ang babagsak.
Dagdag pa nito, na maaaring nagbibiro lang naman ang dating pangulo ngunit kung ito man aniya ay may halong politika sana ay itigil na.
Sa panig naman ni Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes, hindi pamamasyal ang foreign trips ng presidente bagkus ay pagpapakita sa ibang mga bansa na bukas at handa ang Pilipinas para makipag-ugnayan
Sabi pa niya, na si Pangulong Marcos ang ating ‘chief salesman’ kaya’t kailangan na suportahan siya.
Tinukoy naman ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, na kaniya-kaniya naman ng diskarte ang bawat pangulo para mapagtibay ang relasyon sa ibang world leaders at makakuha ng investments.
Katunayan ang mga nakalipas na presidente gaya nina former Pres. Fidel V. Ramos, Gloria Macapagal Arroyo, at Noynoy Aquino ay nagkaroon ng mga pagbiyahe.
Nataon nga lang aniya na si dating Pang. Duterte ay limtado lang ang napuntahang mga bansa. | ulat ni Kathleen Forbes