Umaasa si Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo na matatapos ng Senado ang kanilang Resolution of Both Houses No. 6 o bersyon ng economic charter change bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo.
Tugon ito ng mambabatas sa napaulat na desisyon ng Senado na pansamantalang itigil na muna ang pagtalakay sa econ cha-cha sa kasagsagan ng Holy Week Break ng Kongreso.
Paalala ni Dimaporo, nauubos na ang kanilang oras para sa pagpapatibay ng amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
“So, I really hope and I have faith in the Senate, they are an independent institution. But I really hope that this is not ‘dribble-dribble’ politics. At the very least, the Filipino voters deserve to know how our senators stand. It’s not busy-busy kami,” saad ni Dimaporo.
Oras kasi aniya na magbalik sila mula sa Holy Week break, ay mayroon na lang silang isang buwan para talakayin ang mga mahahalagang panukala kasama ang LEDAC bills at ang econ cha-cha.
Kasunod aniya nito ay ang State of the Nation Address ng Pangulo, pagtalakay sa panukalang budget para sa 2025 at ang paghahanda para sa 2025 midterm elections.
Kaya naman aniya mayroon na lamang silang hanggang bago mag SONA o mahuhuli na ang lahat para sa econ cha-cha
Muli namang binigyang diin ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin, ang urgency na maaprubahan ang panukalang amyenda.
Giit niya na habang lalong pinapatagal ang pagpasa dito ay lalo lang ding pinatatagal ang pagtitiis ng mga Pilipino.
Sabi pa ni Garin, na wala silang Plan B dahil naniniwala pa rin sila na sinsero ang Senado sa kanilang tungkulin sa taong bayan.
“Is it an urgent matter? Is it a need? Klarong-klaro naman po na talagang kailangan ito ng taongbayan. Kasi habang pinapatagal natin na ipasa ang RBH 6 ay lalo nating sinasabing magtiis ang mga Pilipino sa mahal ng bilihin…So, I really can’t see the logic why the Senate is delaying this matter? Because their primary responsibility of Senate and Congress is to work hard. Work double time regardless of schedule kasi utang natin sa taongbayan ang ating obligasyon,” punto ni Garin. | ulat ni Kathleen Forbes