Kaniya-kaniyang diskarte na ang mga mamimili sa Agora Public Market sa San Juan City, mapagkasya lamang ang kanilang pang araw-araw na budget.
Ito’y dahil sa ramdam na ng mga ito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin alinsunod na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan, bumilis ang inflation rate sa 3.4 percent nitong Pebrero.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang mamimili sa palengke na kung dati ay marami na silang nabibili sa ₱500 na budget, mababawasan na ito ngayon.
Nananatili pa rin kasing mataas ang presyo ng bigas na nasa ₱50 hanggang ₱52 para sa kada kilo ng well-milled rice sa kabila ng maraming suplay dahil sa pagdating ng mga imported gayundin ay may ilang sakahan na ang nag-aani
Gayundin sa karne ng baboy na naglalaro ang presyuhan mula Php ₱340 hanggang ₱400.
Magugunitang kabilang ang bigas at karne ng baboy sa mga nakapag-ambag sa pagbilis ng inflation rate nitong Pebrero
Subalit kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na hihilahin na ito pababa dahil sa madaragdagan na ang suplay nito sa mga susunod na buwan. | ulat ni Jaymark Dagala