Dumulog ang grupo ng mga mangingisda sa Aborlan sa Palawan sa House leadership dahil sa apektado na ang kanilang kabuhayan dulot ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Lumapit sa tanggapan ng ACT-CIS extension office sa Palawan ang mga lider ng mahigit sa 600 mangingisda sa Aborlan para humingi ng tulong at ipaabot ang kanilang problema.
“Maliliit ang aming bangka hindi kayang sumabay sa malalaking bangka at madalas na pangbu-bully kaya naitutulak kami sa tabi,” ayon sa lider ng mangingisda. Lumiit po talaga ang kita namin dahil po doon yung kita po talaga namin araw-araw apektado na talaga. Yung mga pagaaral ng mga anak namin apektado na rin,” saad ng ilan sa mga mangingisda.
Nataon namang bumisita si Speaker Martin Romualdez sa Palawan nitong Biyernes kaya sinamantala ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo kasama ang kabaro na si ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap na ilapit ang problema ng mga mangingisda.
“Kahit wala sa programa at schedule, hinarap ni Speaker ang mga lider ng mga mangingisda at agad pinakinggan ang problema ng mga ito,” ayon kay Tulfo.
Sa naturang pulong nangako si Speaker Romualdez na siyang tumatayong legislative caretaker ng 3rd district ng Palawan, na mamadaliin ang pagproseso sa scholarship ng mahigit 1,000 anak ng mga mangingisda, paglalagay ng ice plant at gasolinahan sa Aborlan.
“Diretsahan na lang, kumuha tayo ng lahat ng listahan ng mga estudyante, bigyan natin ng scholarship. Ganun kasimple. Kung namomroblema kayo sa edukasyon scholarship na lang diretso na lang. Tapos isang fuel storage diyan sa Aborlan. Kausapin natin si Mr. Ramon Ang para maglagay ng fuel storage facility. Tapos yung mas malaking mga bangka ayusin natin,” sabi ni Speaker Romualdez.
Pinamamadali rin ni Romualdez ang pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga mangingisda tulad ng mga food processing facilities. | ulat ni Kathleen Forbes