Maagang nagsagawa ng paghahanda ang mga Port Management Offices (PMO) ng Philippine Ports Authority sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa inasaahang pagdagsa ng mga pasahero sa darating na Semana Santa.
Bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng pinag-igting na seguridad sa mga pantalan at paglalagay ng mga Help Desk, nagkaroon rin ng kanya-kanyang preparasyon ang bawat pantalan upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko.
Sa North Harbor sa Maynila, tinatayang higit 25,000 na mga pasahero ang dumadagsa tuwing Holy Week season.
Puspusan rin ang paghahanda ng PMO Negros Oriental at Siquijor kung saan nagdagdag na ito ng mga upuan sa mga Passenger Terminal Building ng Port of Dumaguete at Port of Guihulngan kasabay ng paglalagay ng mga directional signages upang mapadali ang paggalaw ng mga pasahero.
Sa pantalan ng Masbate, nakahanda na rin ang dagdag na tent para sa mga biyahero kung sakali mang kailanganin ng mga pasahero.
Nagsagawa na rin ng repainting sa operational area gaya ng pedestrian lane upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ang Pier naman ng Surigao ay naglagay na ng mga fast lanes para sa mga pasahero na maliliit na bag lamang ang dala, gayundin para sa mga senior citizen, persons with disability, buntis, at may dalang bata.
Sa Zamboanga, naka stand-by na ang ambulansya at K-9 unit mula sa Philippine Coast Guard para sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad.
Ang Port of Lucena naman na may mga pasahero na babiyahe patungo sa Marinduque, Romblon, at Masbate ay naka-antabay na rin ang mga tent sakaling may makanselang byahe.
Sa PMO Misamis Oriental/Cagayan de Oro at PMO Negros Occidental Bacolod/Banago/Bredco, nagkaroon ng paglilinis sa mga kalapit na kalsada patungo sa pantalan para mapanatiling maluwag ang mga daan patungong pantalan.
Batay sa datos noong 2023, naging pinakamataong port ang mga pantalan sa Panay/Guimaras – Iloilo, Batangas, Panay/Guimaras – Jordan, Mindoro, at Panay Guimaras-Dumangas.
Tuloy din ang pagpapatupad ng sistema para mapabilis ang daloy ng trapiko patungo sa pantalan partikular ang ‘Blue Lane and One Stop Shop’ sa Port of Matnog na malaki ang naitulong sa pagsasaayos ng pila ng mga sasakyan habang nasa highway.
Layunin ng nasabing sistema ang masolusyunan ang problema ng fixing’ na nangyayari dahil sa singitan sa pila. Sa pamamagitan ng mga provincial marshal at iba pang awtoridad ay naiiwasan ang paglipana ng mga nananamantala habang ang mga pasahero at sasakyan ay nakapila sa Blue Lane. | ulat ni Mike Rogas