Hindi na kailangan pang mangibang bansa ng mga Pilipino para lang makahanap ng trabaho oras na magbukas ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ni House Deputy Majority Leader Janette Garin sa ginawang pagtalakay ng Committee of the Whole House sa Resolution of Both Houses No. 7 o ang economic charter change.
Aniya, maraming mga Pilipino ang tinitiis na iwan ang kanilang pamilya dahil walang oportunidad dito mismo sa bansa.
Sa interpelasyon ni Garin kay CoRRECT Movement Principal Co-founder Orion Perez Dumdum, natanong nito kung matutugunan ba ng economic cha-cha ang kakulangan sa oportunidad sa trabaho dito sa Pilipinas.
Tugon ni Dumdum, isa ito sa mga unang hakbang lalo at marami sa mga Pilipino na may malaking potensyal ay pinipiling magtrabaho na lang sa Singapore, Europe o Amerika.
“Masakit mang sabihin, napakaraming Pilipino ang nasa Vietnam na dati rati dito ay sila ay mga managers and some of them are even company owners pero hindi nila kaya ang malaking kapital, sila ay kinukuha at pina-pirate ng mga dahuyang kompanya at napipilitan silang umalis ng ating bansa para paglingkuran ang bansang hindi nila kinagisnan,” sabi ni Garin.
Tinukoy ni Garin na isang doktor at dating nagsilbing health secretary na maraming medical professionals ang pinipili na sa ibang bansa na lang magtrabaho
Kaya naman kung matuloy aniya ang economic cha-char ay hindi malayo na magsibalikan ang ating mga scientist, engineers at iba pang preopesyunal.
“If we open up opportunities, even for research and other fields, wouldn’t our talented scientists, engineers, and professionals return to work in the Philippines? Doesn’t RBH 7 imply that the Philippines will be opened up so that companies can afford higher salaries, leading to a better life for every Filipino family?” wika ng mambabatas.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 1.96 milyong Pilipino ang nagtrabaho sa ibayong dagat mula April hanggang September 2022.
Mas mataas ito ng 7.6% kaysa sa 1.83 million OFWs noong kaparehong panahon noong 2021. | ulat ni Kathleen Forbes