Hiniling ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa House Committee on Public Order and Safety na imbitahan ang lahat ng regional directors ng Philippine National Police (PNP) sa susunod na pagdinig ng komite.
Kasunod ito ng pagtalakay sa House Resolution 1549 na layong imbestigahan ang patuloy na operasyon ng mga iligal na sugal sa CALABARZON.
Ayon kay Tulfo mahalaga na ipatawag ang mga regional directors upang pagpaliwanagin sila kung bakit patuloy at talamak pa rin ang operasyon ng iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.
“We’re talking of illegal gambling Mr. Chair, I suggest that we call all the regional directors (of the PNP). Kasi ang gambling po ay proliferated na sa bansa,” sabi ni Tulfo sa kanyang pahayag noong Lunes.
Sinang-ayunan naman ito ni Laguna Representative Dan Fernandez, na siyang chair ng Komite.
Aniya, mahalagang matukoy ang kasalukuyang sitwasyon sa CALABARZON hinggil sa isyu ng illegal gambling.
Sinabi pa ni Tulfo na isa rin sa nagpapahirap sa pagsugpo sa iligal na sugal ay ang pagkakasangkot ng ilan sa mga lokal na opisyal kasama na ang mga politiko.
Kaya aniya mahalaga ang pagkakaroon ng ‘political will’ para maresolba ang problema sa illegal gambling.
“Kahit anong gawin nating ‘yaw-yaw’ dito kung hindi naman matigil ito, wala ring mangyayari rito. Bata pa lang ako nag-iimbestiga na ang Kongreso at Senado ng illegal gambling wala namang nangyayari. So, we must do something about it kasi napakalala na talaga ng pasugalan. Problema hindi lang po itong mga otoridad natin ang pasok diyan, pati ang mga politiko, masakit man hong sabihin pati ang mga politiko natin kasama rin minsan diyan,” sabi pa ni Tulfo.
Batay sa datos ng PNP 4A mula January 1, 2023 hanggang February 29, 2024, nakapagsagawa sila ng 5,317 na operasyon laban sa illegal number games kung saan nakakumpiska sila ng halaga na aabot sa ₱4.2-million.
Habang may 2,666 na operasyon din sila laban sa iba pang uri ng iligal na sugal. | ulat ni Kathleen Jean Forbes