Muling nanawagan si Senador JV Ejercito sa national government na bilisan na ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para mapalakas ang defense posture ng bansa, maprotektahan ang ating maritime interest, at matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng pagbangga ng sasakyang pandagat ng China Coast Guard sa BRP Sindingan sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Napag-alaman na ang barko ng PCG ay patungong Ayungin Shoal para sa isang resupply mission.
Ipinahayag ni Ejercito ang kanyang galit para sa hayagang aggression na ito ng China sa WPS.
Para sa senador, ang naging pagkilos ng Chinese vessel ay malinaw na senyales ng pagiging desperadong sakupin ang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas kaya naman dapat na aniya itong tuldukan.
Pinuri rin ng mambabatas ang Philippine Coast Guard para sa kanilang professionalism at katapangan.
Kinondena rin ni Senador Grace Poe ang naging aksyon ng Chinese Coast Guard.
Nanindigan si Poe na ligal ang resupply mission ng PCG sa loob ng teritoryo ng Pilipinas at hindi dapat harangin ninuman.
Suportado rin aniya ng senador ang rules-based order sa South China Sea, alinsunod sa itinatakda ng international laws. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion