Hinimok ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. ang mga tauhan ng Western Command na ipagpatuloy ang kanilang determinasyon sa pagtupad sa kanilang misyong ipaglaban ang soberanya ng bansa.
Ito’y kasunod ng mga pinakabagong insidente ng panggigipit ng China sa mga Pilipino na nagsasagawa ng kani-kanilang misyon sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Brawner ang pahayag makaraang parangalan nito ang mga tauhan ng Philippine Navy na nasugatan habang sakay ng Unaizah May 4 sa pinakahuling Rotation at Re-supply mission sa Ayungin Shoal.
Kasama ng AFP Chief na nagbigay parangal sina Philippine Coast Guard Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan at AFP Western Command Chief, Vice Admiral Alberto Carlos.
Kasunod nito, sinabi pa ng AFP Chief na magpapatupad sila ng ilang pagbabago sa kanilang operasyon upang mapaghusay pa ng mga Sundalo ang pagganap sa kanilang tungkulin sa bayan. | ulat ni Jaymark Dagala