Aminado ang ilang tsuper ng jeepney sa Marikina City na bitin ang ipinatupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong araw.
Gayunman, ilan sa mga jeepney driver na nakausap ng Radyo Pilipinas ang nagsabing uubra na ito kaysa sa wala.
Anila, hindi naman sila bumibitiw sa pag-asang bababa pa ang presyo ng langis partikular na ng diesel upang lalong makatulong sa kanilang hanapbuhay.
Nabatid na ngayong araw, epektibo ang dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Batay sa abiso ng mga kumpanya ng langis, nasa ₱0.50 centavos ang dagdag presyo sa kada litro ng Gasolina habang may bawas namang ₱0.35 centavos sa kada litro ng Diesel, at ₱0.40 centavos sa kada litro ng Kerosene. | ulat ni Jaymark Dagala