Nag-ikot ngayong umaga ang mga opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Bureau of Fire Protection (BFP) sa ilang terminal sa kahabaan ng EDSA Cubao, Quezon City para tingnan ang kahandaan ng mga ito sa dagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Pinangunahan nina MMDA General Manager Undersecretary Procopio Lipana, DILG Undersecretary Chito Valmocina, MMDA Head of Traffic Enforcement Atty. Vic Nuñez ang pag-iinspeksyon kung saan inuna ang Five Star terminal.
Sa naturang terminal, nagkaroon ng random drug testing sa mga bus driver katuwang ang PDEA.
Layon nitong masiguro na ligtas ang magiging biyahe ng mga bakasyonista ngayong Semana Santa at walang impluwensya ng iligal na droga ang mga driver.
Ayon kay GM Lipana, sinumang driver ang magpositibo sa drug test ay hindi na agad papahintulutang bumiyahe at isasalang ito sa confirmatory test.
Sinunod naman ang Baliwag Transit kung saan kinamusta rin ang ongoing na drug testing sa mga bus driver pati na ang kondisyon ng mga bus.
Kaugnay nito, simula mamayang gabi ay pansamantalang papahintulutan naman ng MMDA ang mga provincial buses na makadaan sa EDSA.
Magtatalaga rin ang MMDA ng mga medical personnel sa mga terminal ng bus para sa mga pasaherong mangangailangan ng medikal na atensyon.
Samantala, inanunsyo rin ng MMDA ang pinaagang suspensyon ng number coding simula bukas, March 27 hanggang 29. | ulat ni Merry Ann Bastasa