Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na magsasagawa ng Visita Iglesia ngayong Semana Santa.
Ayon kay MMDA Acting Chair, Atty. Don Artes, dapat planuhing maigi ng mga motorista ang araw at oras ng kanilang biyahe.
Ugaliing tandaan ang BLOWBAGETS o ang Battery, Lights, Oil, Water, Brake, Air, Gas, Engine, Tire, at Self.
Dapat ding alamin ang rutang daraanan upang maiwasan na makipagsabayan sa dagsa ng mga biyahero.
Huwag ding kalimutang magdala ng tubig, pamalit na damit, at pamaypay para maiwasan ang heat stroke.
Mahigit 2,000 tauhan nito ang nakakalat sa iba’t ibang dako ng Metro Manila upang umalalay sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na magbabantay sa biyahe ng mga magsisipagbakasyon. | ulat ni Jaymark Dagala