Naglatag ng drinking at health monitoring stations ang Metro Manila Development Authority (MMDA) upang maka-agapay sa mga tauhan nito na nagmamando sa daloy ng trapiko.
Ito ang inihayag ng MMDA kasunod na rin ng pagpapatupad ng 30-minute heat stroke break sa mga tauhan nito noong isang linggo na layong maiiwas sila sa peligrong dulot ng mainit na panahon.
Kabilang sa mga lugar na maaaring masilungan ng mga MMDA Personnel na bababad sa matinding init ng araw ay ang station base nito sa EDSA Timog; EDSA Roxas Boulevard; EDSA Ortigas; EDSA Quezon Avenue; EDSA Oliveros; Commonwealth Avenue, at C5 Ortigas.
Gayunman, nilinaw ng MMDA na maaari ring makiinom ng tubig at magpatingin ng blood pressure ang mga motoristang magagawi sa mga nabanggit na lugar.
Una nang sinabi ng MMDA na ipatutupad ang 30-minute heat stroke break anumang oras mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, ang oras kung kailan matindi ang sikat ng araw.
Nabatid na batay sa pagtataya ng PAGASA, posibleng tumindi pa ang init na mararamdaman hanggang sa Mayo ngayong taon dahil na rin sa epekto ng El Niño Phenomenon.
Magtatagal naman ang heat stoke break hanggang May 31. | ulat ni Jaymark Dagala