Sagot na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pamatid uhaw ng mga field worker nito gaya ng traffic enforcer na kadalasang babad sa init ng araw.
Kasunod ito ng pagtanggap ng MMDA ng mga donasyong tubig at water purifiers mula sa water concessionaires na Maynilad at Manila Water, habang ion supply drink naman ang bigay ng kumpanyang Pocari Sweat.
Pinangunahan nina MMDA General Manager Procopio Lipana, at Traffic Discipline Office Director for Enforcement Atty. Vic Nuñez ang turnover ng mga donasyon sa MMDA Timog Base ngayong umaga.
Kasama sa donasyon ang 100 tumblers at 100 water bottles mula sa Maynilad; 30 piraso ng limang galong tubig, 1,000 piraso ng 500ml ng tubig, at 100 piraso ng tumbler sa Manila Water, habang 1,464 naman ng ion supply drink ang hatid ng Pocari Sweat.
Ayon kay MMDA General Manager Procopio Lipana, suporta ito ng Manila Water, Maynilad, at Pocari Sweat sa heatstroke break na nakatakdang ipatupad ng ahensya sa mga enforcer nito mula March 15.
Dagdag pa nito, ire-refill ng Manila Water at Maynilad ang suplay ng tubig sa mga base ng MMDA hanggang matapos ang panahon ng tag-init.
Magkakaroon ng water stations sa bawat MMDA Base sa Metro Manila kung saan maaaring makiinom rin maging ang mga motorista.
Bukod sa water stations, mayroon ding mga naka-deploy na First Aid stations ang MMDA kung saan maaaring magpa-BP ang mga enforcer.
Una nang inanunsyo ng MMDA ang pagbabalik ng Anti-Heat Stroke Program nitong “Heat Stroke Break” na sisimulan mula March 15 hanggang May 31.
Layon nitong protektahan ang mga field worker mula sa heat exhaustion, stroke, at cramps na dulot ng matinding init. | ulat ni Merry Ann Bastasa