Pinapaimbestigahan ni Manila Representative Bienvenido Abante ang napaulat na katiwalian at smuggling sa loob mismo ng Bureau of Customs (BOC).
Sa House Resolution 1602 tinukoy ng mambabatas na may ilang opisyal at empleyado ng BOC ang tumatanggap ng “tongpats” o dagdag bayad kapalit ng pagpayag na maipasok ang mga iligal na produkto gaya ng ukay-ukay na umabot pa ng ₱1.5 million.
Labag aniya ito sa Republic Act 4653 o batas na nagbabawal sa importasyon ng “textile articles” o “used clothing” o mga gamit nang mga damit, para sa proteksyon sa kalusugan ng mga Pilipino.
Layon ng “investigation in aid of legislation” na matuldukan na ang pagpasok ng mga puslit na produkto sa ating bansa.
Sa kabila kasi aniya ng Customs Modernization and Tariff Act ay tila tuloy pa rin ang korapsyon sa BOC. | ulat ni Kathleen Jean Forbes